Tampok na patimpalak sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2016 ay ang Baybaysining na isinagawa sa Departamento ng mga Wika, Gusali 1 noong ika-19 ng Agosto 2016.
Ang Baybaysining ay kahalintulad ng paggawa ng poster at islogan subalit sa patimpalak na ito ang islogan ay nakahaylayt o higit na bibigyang pansin sa sining (poster) ang salita o mga salitang naisatitik sa baybayin (islogan). Isa ito sa mga patimpalak na inilunsad at binigyan ng bagong anyo ng Kapisanang Sulo ng Diwa sa hangad na iangat ang kamalayang kultural ng mga mag-aaral ng PSU-Bayambang.
Matapos ang paglikha ng mga kalahok ng kani-kanilang entri ay ineksibit ang mga ito sa harap ng Main Building para sa unang bahagi ng paghuhurado kung saan ang madla ay boboto sa kanilang nagustuhang entri gamit ang tiket na ihuhulog sa mga kahon at siyang bibilangin ng komite. Ito ay bahagi ng 50 porsyento ng kabuuang puntos ng mga kalahok.
Nakamit nina Jerylle Joyce Ocampo at Melenda Bautista ang unang gantimpala, Bernard Y. Cayabyab at Jen Audrey Pagsulingan, ikalawang gantimpala at nina Erwin C. Aspirin at Princess Arjhel F. Alberto, ikatlong gantimpala.